Saksi ng transisyon

Kung nagsisimula sa 2004 ang student number mo sa Unibersidad ng Pilipinas, marahil ay naging saksi ka sa transisyon ng UP, mula sa pagtaas ng mga bayarin hanggang sa pag-iba ng kultura nito.

Dahil nga napadaan ako sa UP kahapon, parang bigla akong naging nostalgic nang makita kong nagkakatuwaan ang mga freshies sa pagpili ng mga opisyal ng batch nila. Parang bigla kong na-miss ang college days at ang UP mismo.

Courtesy of Narod Eco's photos

 

Nakaugalian na ito sa UP (Tacloban) na pinapangunahan ng Konseho ng Mag-aaral (Student Council) ang pinakaunang paghalal ng mga bagong salta sa UP sa kanilang mga opisyal. Crucial din ang unang asembliya ng mga freshies dahil dito nila pinipili ang magiging pangalan ng batch nila na maglalarawan sa katangian ng kanilang batch na dadalhin nila hanggang sila ay magtapos.

Harangdon (ata kasi yun ang nakita kong nakasulat sa board) ang pinili ng mga freshies na pangalan ng kanilang batch. Waray-waray ito para sa “tinitingala”. Dahil dito, naisip ko na pati pagpili ng pangalan ay mukhang apektado na ng pagbago ng kultura ng UP. Malamang nga ay nasimulan ito ng batch namin na Banggi-itan ang tinawag sa mga sarili namin na ibig sabihin ay “magaling”. Mukhang napapadalas na ang magyabang sa pamamagitan ng pangalan ng batch katulad ng Banggi-itan (magaling) ng 2004, Maanyag (maganda, bright) ng 2006 at Harangdon (tinitingala) ng 2010. Pero sana naman ay hindi ito maging trend.

Nakakabiglang pangitain

Kung maisipan mong maglibot-libot sa UP Tacloban ngayong mga panahong ito, magugulat ka sa makikita mo dahil maliban na lang sa mga bagong building, dahil na rin sa dami ng mga estudyanteng nakatambay sa Student Lounge at mga lobby na naka-laptop at nagfa-facebook o kaya nanonood ng YouTube at kung anu-ano pa para ma-avail ang libreng WiFi sa buong campus. Parang bigla kang magmamalikmata at magdadalawang isip kung tama ba ang pinasukan mong gate at “sosyal naman it mga taga-UP” na lang ang masasabi mo. Parang mas techie pa nga ang mga taga UP ngayon kumpara sa ibang pribadong kolehiyo dito.

 

Courtesy of U.P. Tacloban's Facebook account photos

 

Kung dati ay kapansin-pansin ang simpleng suot ng mga taga-UP katulad ng tipikal na tsinelas, jeans at t-shirt/blouse, ngayon ay kapansin-pansin na rin ang magagarang porma ng maraming estudyante ngayon. Syempre nandyan pa rin naman ang mga tipikal na bangaw na porma pero mukhang ilang taon na lang ang bibilangin ay mapha-phase out na ang ganitong uri ng porma.

Nabura na rin ang masasayang diskusyon sa UTLT (Under the Langka Tree) na tambayan ng mga tibak at mga walang org o hindi aktibo sa mga org nila dahil bigla na lang dinemolish ang tambayan doon noong 2006 (ba yun?) para palitan ng mas magara at mahal na tambayan. Sa katunayan ay hindi angkop ang disenyo ng itinayong tambayan para sa mga grupo ng estudyante dahil sa nakaharang na malaking poste sa gitna ng tambayan na para bang nagpo-promote ng indibidwalismo. May mga bagong upuan naman sa lilim ng mga puno sa AS grounds na sa tingin ko ay magandang tambayan din naman ng mga estudyante na sana naman ay namamaksimisa para sa mga makabuluhang diskusyon tungkol sa ating lipunan.

 

 

Courtesy of U.P. Tacloban's Facebook account photos

 

Ilang beses na rin akong muntik nang hindi makapasok sa UP dahil hindi ako kilala ng mga bagong guard kaya kelangan muna makipag-away ng konti dahil sa NO ID, NO ENTRY na palisiya ng unibersidad na dati naman ay wala. Kelangan lang ng konting angas kung papasok para magmukha pa ring taga-UP. Mabuti na nga lang ngayon ay medyo lumuwang sila.

 

Courtesy of U.P. Tacloban's Facebook account photos

 

Ilan lang naman yan sa mga napansin kong mga pagbabago sa UP pero lahat naman yan ay mababaw lang kung ikukumpara sa pagbabago ng esensya nito.

UP kong mahal

Dati pa man ay tinitingala ko na ang unibersidad dahil sikat ito sa mataas na kalidad ng edukasyon, matatalinong estudyante, kalayaan sa pag-iisip at ang malaking papel nito sa pagbabago ng lipunan. Pero mukhang nabigo ako sa ganitong mga sapantaha. Gayunman, hindi ko naman ipagpapalit ang UP sa ibang unibersidad na mas makikitid ang utak lalo na sa may mga propesor na naniniwalang pinakamababang form of questioning ang essay imbes  na dito sana masusukat ang level of comprehension, critical thinking at writing skills ng isang estudyante at itinuturing na subersibo ang mga estudyanteng matanong at reklamador.

Nakakalungkot lang isipin na dahil nga inaasahan ang mataas na kalidad na edukasyon sa UP, napakamahal na rin ng mga bayarin dito kaya bye-bye na sa mga mahihirap na estudyanteng nangangarap na makapasok sa premyadong unibersidad. Madali pa naman silang mulatin dahil madali rin silang makaintindi ng mga isyung panlipunan dahil sila mismo ang nakakaranas nito.

Pero siyempre hindi naman ang mga estudyante mismo ang dapat sisihin dito. Nakasalalay pa rin sa kilusan ng kabataang-estudyante ang kasiglahan ng buong unibersidad sa paglahok sa mga aktibidad ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagkilos. Maari rin itong masalamin sa mga aktibidad ng mga tradisyunal na mga organisasyon na kahit chummy ay meron namang social relevance. Kaya nga ang kultura ng apathy at indibidwalismo na umiiral sa UP ay mawawala lamang kung muling sisigla ang kilusang estudyante sa unibersidad.

Ngayong simula na naman ng pasukan at maraming mga luma at bagong estudyanteng kailangang imulat, organisahin at pakilusin, isa itong malaking hamon para sa mga lider-estudyante sa UP na maibalik ang kultura ng UP na kritikal at aktibo sa paglahok sa pagsusulong ng tunay na pagbabago. Ang UP na nagbubunga ng magagaling na lider, nakakapagdaos ng mga makabuluhang aktibidad at nakakapagpakilos ng libu-libong estudyante kasama na rin ang mga guro at empleyado ng unibersidad.

Masaya sigurong muling masaksihan ang masigla at aktibong UP na ating minamahal.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s