Squatter sa sariling bayan

Minsan tinanong ako ng tatay ko kung bakit ayaw kong matulog sa kuwarto namin ng nakababata kong kapatid na lalaki. “Basta ayoko” lang ang naging sagot ko sa kanya. Marami akong dahilan na malamang ay kapwa ko babae lamang ang makakaintindi. Sa sala ako laging natutulog na parang hindi taga roon sa bahay na iyon, parang nakikitulog lang, parang squatter. Ganito’t ganito lagi ang pakiramdan, parang hindi ka nabibilang sa tahanang iyon. Walang sariling kwarto, walang sapat na mapaglagyan ng mga damit at gamit, walang sariling mesa, kakaunti lang ang gamit, walang privacy. Hindi ko alam kung bakit parang hindi pa rin ako nasanay sa ganitong set-up kahit nakalakihan ko nang makitira sa ibang bahay, sa boarding house o kaya sa staff house simula nang mawala si Nanay. Para akong may home crisis na parang hindi ko pa ring matanggap na tawaging home ang tinitirahan ko ngayon dahil wala akong mga kaibigan o kahit kakilala man lang. Hirap din akong makipag-usap dahil hindi ko gaano maintindihan ang lenggwahe dito. Kadalasan nga ay kapag sinabi kong gusto kong umuwi, ang ibig sabihin nun ay gustong kong umuwi sa probinsya na kinalakhan ko, ika nga ay home town. Pero wala naman akong inuuwiang bahay na talagang amin, mga kaibigan at kabarkada lang naman ang inuuwian. Pero ang kasabihan ay home is where the heart is, kaya malamang ay marami nga akong home dahil naiwan ko ang puso ko sa iba’t ibang lugar na tinuring kong home.

Kung tutuusin ay maswerte pa rin ako dahil marami akong pwedeng mauwian. Marami akong home, kahit para akong squatter. Kumbaga ay napaka-petty lang naman ng sentimyento ko kung ikukumpara sa mga residente ng Sitio San Roque sa Quezon City at iba pang mga informal settlers, o mas kilala bilang mga iskwater sa iba’t ibang panig ng bansa na maya’t maya ay nariyan ang pangamba na gigibain ang mga bahay nila dahil binabawi na ng gobyerno ang lupang kinatitirikan ng mga bahay nila para magamit ng mga malalaking korporasyon katulad ng Ayala Corporation.

Nakakalungkot isipin na karamihan sa mga Pilipino ay mga iskwater sa sariling bayan, maging sa kanayunan man o kalunsuran. Mga Pilipino nga pero hindi naman nagmamay-ari ng kahit kaunting lupa sa Pilipinas na kahit man lang lupang pwedeng tayuan ng sariling bahay. Marami nga sa mga iskwater sa mga lungsod ay galing sa mga probinsya na napaalis o kaya naman ay inagawan ng lupang sinasaka at napilitang lumuwas sa lungsod sa pangarap na magkaroon ng mas maginhawang buhay.

Sa kabila ng lahat ng ito, nakakabuhay naman ng dugo kung nakikita mo na lumalaban ang mga inaagawan, ang mga pinagkakaitan. Dahil sa sama-samang pagkilos ng mga residente sa Sitio San Roque ay napigilan ang marahas na pag-demolish sa kanilang mga bahay at muling itinayo ang mga nagiba na.

Naisip ko tuloy na parang ang paninindigan natin. Kahit gaano kalakas at kadalas man ito tibagin ng kahit anong klaseng demolition team, kayang-kaya pa rin itong itayo at buuin kung gugustuhin. ‘Yun lang naman ang kailangan, ang will o kagustuhan na hindi tayo maging iskwater sa sariling bayan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s