ELEKSYON, SK at TOKWA

Maaga pa lang kaninang umaga nakarinig ako ng mga nagtatambol, yung tipong pang-festival sa mga pyesta. Nagtaka ako kung bakit parang may parada kaya hinanap ko agad sa internet ang mga festival dito. Noong July pa pala ang Diwal Harvest Seafood Festival at sa December pa naman ang Sinadya sa Halaran Festival. Dumaan sa tapat ng compound namin yung mga nagtatambol sakay ng maliit na trak. Baka magpapraktis para sa December. Naalala ko sa Catarman, October pa lang nagpapraktis na para sa mga Ati-atihan sa January.

Paglabas ko kaninang tanghali para bumili ng ulam, binuluga ako ng malalaking tarpaulin na sumisigaw na iboto ang mga mukha at pangalang nakapaskil. Eleksyon na naman pala, at unang araw ng kampanya pala ngayon. Parang kelan lang nag-eeleksyon pa lang, ngayon eleksyon na naman, pero sa Barangay at SK (Sangguniang Kabataan) naman ngayon.

Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makaboto para sa SK. Noong 2002 ay hindi pa umabot ang edad ko para makaboto sa SK at noong 2007 naman ay lampas na ang edad ko para sa SK. Naalala ko noong 2002, tumakbo ang pinsan ko bilang Chairman ng SK sa barangay namin. Simple lang ang kampanya nila, kausap sa mga kabataan sa barangay namin, padikit ng mga pinaphotocopy na mga poster, namigay ng mga leaflets ng line-up nila, ganoon lang, walang masyadong pabongga.  Siyempre talo ang pinsan ko, anak ba naman ng Mayor ng bayan namin ang kalaban niya.

Katulad ng National Elections, hindi maipagkakaila ang pamimili ng boto tuwing eleksyon sa barangay. Pati sa SK ay nagbibilihan din ng boto. “Binabahay” ng mga kandidato ang mga botante isang araw bago ang eleksyon at doon mamimigay ng pera para maseguro nila ang bilang ng mga boboto sa kanila. Iba-iba ang mga taktika bawat barangay, may iba na dinadala sa bahay ng tumatakbong Kapitan o SK Chairman, o kaya ay dadalhin sa isang Hotel o Retreat House at marami pang iba.

Sinasabi na sa Pilipinas lang ang mayroong SK, o mga kabataang edad 15-18 na kasali sa lokal na gobyerno. Ayon sa batas, ang SK ay boses ng kabataan sa gobyerno dahil kasali ito sa mga gumagawa ng batas sa iba’t ibang lebel ng gobyerno mula sa barangay hanggang sa probinsya. Pero binabatikos din ito dahil dito raw nahahasa ang kabataan sa kurapsyon. Kung ang cell ay ang building blocks of life na basic unit of life, ang SK naman ang building blocks of corruption na basic unit of corruption. Yung tipong dito natututo mangdaya, mangurakot at maging inutil sa paglilingkod ng gobyerno ang kabataan. No offense sa mga naging SK pero hindi ito maikakaila sa napakaraming mga barangay. Kung ako lang ang masusunod, aba’y ipapa-abolish ko talaga ang SK dahil sa kalakhan ay hindi naman ganoon kalaki ang impact nito sa paglilingkod sa kabataang Pilipino.

Pero syempre hindi naman ako ang masusunod at rational na tao naman ako. Hindi naman kasalanan nating kabataan kung bakit ganito ang kinalakhan nating sistema ng SK at ng lipunan. Kaya nga may isinusulong na batas ang Kabataan Partylist para ireporma ang SK para maging isang institusyong tunay na nagsisilbi sa interes ng kabataan. Isang institusyon na hindi puro basurahan, lalagyan ng tanim, orasan, lapida ng mga opisyal, welcome arc, basketball court at pasayaw lang ang alam gawin.

Malaking bagay ang mapalitan ang batas patungkol sa SK pero hindi ito sapat dahil nakaugat na sa kultura natin ang ganitong kalakaran sa SK. Mas malalim pa ang inuugatan kung bakit naging ganito ang sistema ng SK.

Sa kabila nito, naniniwala pa naman ako na may pag-asa pa para sa kabataan. Pero mahaba pa ang daang tatahakin natin pero hindi ang daang matuwid (na lubak-lubak naman) ni AbNoy ang tamang daan.

**********

Habang papauwi ako kanina, may nakasalubong akong motorcade na may mga nagtatambol habang may nakapaskil na mga mukha’t pangalan sa mga motorsiklo’t sasakyan. Nangangampanya pala yung mga dumaan kaninang umaga. Nagkalat na rin ang mga nakadikit na poster at tarpaulin ng mga kandidato. May nakita pa nga akong ginagawa pang streamer ng line-up ng mga kandidato sa isang barangay. Panahon na nga ng kampanya. Siguradong naglipana na naman ngayon ang mga nagpapasukli ng tig-bibente pesos.

**********

Nakakita ako ng tokwa sa grocery kanina, dahil hindi ko na matandaan kung kailan ako huling nakakain ng tokwa, e di binili ko para ulamin mamayang gabi. Ang alam ko gawa sa soy milk ang tokwa pero hindi ko alam kung matatawag ba itong gulay. Teka, pano nga pala lutuin ang tokwa?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s