Corazon

Sinulat para sa Pinaglabanan: Mga Kwento, Aral at Hinaharap ng Pakikibaka (2012)

Nasa third year high school pa lang ako at punung-puno na ako sa bahay namin dahil sa paghihigpit ng mga magulang ko kaya nagpasya akong maglayas. Labing walong taon gulang na ako noon kaya naisip ko na kaya ko naman magsarili at makipagsapalaran kaya lumuwas ako ng Maynila. Maghahanap ako ng trabaho, bubuhayin ang sarili ko at baka sakali lang naman ay swertehin sa buhay.

Ibang-iba ang Leyte sa Maynila. Napakahirap ng buhay dito. Kung sa amin ay pag-uwi ko galing sa eskwela ay meron nang pagkaing nakahapag at konting tulong na lang sa gawaing bahay ang kailangan kong gawin, dito, kelangan talagang kumayod dahil walang ibang pwedeng asahan. Kung anu-anong trabaho ang pinasok ko. Nandiyan na magbantay ako sa parlor o kaya ay magbenta ng tiket ng sweepstakes. Pero dahil dito ay natuto akong tumindig sa sarili kong mga paa at natutong makibagay sa iba’t ibang klase ng tao. Dito ko na rin natutunan na maging matatag.

Mahal naman talaga ako ng mga magulang ko kaya hindi nila ako natiis. Hindi pa ako nagtatagal ng isang taon dito ay sinundo na ako ni Tatay at pinabalik sa probinsya namin para tapusin ang pag-aaral ko. Nakonsensya naman ako sa Tatay ko kaya sumunod ako sa kahilingan niya at umuwi ako ng Leyte.Pagkatapos ng graduation ko ay hindi na ako nagpapigil. Lumuwas ako ulit ng Maynila. Siguro hindi ko na rin matiis ang mahirap na buhay sa probinsya o kaya ay dahil nakatikim na ako ng buhay sa lungsod ay hinahanap-hanap ko na ito.

Isang beses ay isinama ako ng tiyahin ko sa bahay nila sa Corazon de Jesus sa bayan ng San Juan. Doon ko siya unang nakita. Nakasalubong ko lang siya sa isang eskinita habang papasok kami ng komunidad. Parang tumatak lang siya sa isip ko nung araw na iyon kasi may kamukha siyang kaklase noong high school.

Isang araw ay nakita ko siya sa pinagtatrabahuan ko. Nalaman ko na Dionisio pala ang pangalan niya at nililigawan niya yung katrabaho kong si Rosa.

Kapag nadadalaw ako sa Corazon de Jesus, lagi kaming nagkakausap at kinukumusta si Rosa.

“Corazon, papasok ba si Rosa ngayon?” tanong ni Dionisio.

“Oo papasok yun, bakit? Dadalaw ka?” sagot ko.

“Sana, pwede bang sumabay pagpasok mo?”

“Sige, bahala ka,” sabi ko.

Kapag pumupunta naman siya sa pinagtatrabahuan ko o kaya ay tumatawag ay laging ako ang kinakausap. Nakahalata na ako sa ginagawa niya kaya inunahan ko na. Sabi ko may karelasyon ka na, ‘wag mo na akong pormahan, hindi ako ganoong babae.

Hindi naman nagtagal ay naghiwalay din naman sila ni Rosa. Mabuti na lang at hindi kami nagkasamaan ng loob ni Rosa. At dahil gusto ko na rin naman siya ay tinanggap ko na rin. Ang hirap naman tanggihan kung may nararamdaman ka para sa tao at wala na rin namang sabit.

Nagsama kami at nabiyayaan ng isang anak. Pero sa kasamaang palad, sampung buwan palang ang nakakalipas mula nang siya ay isinilang ay binawian na siya ng hininga. Napakasakit ng pangyayaring ito pero nandiyan si Dionisio para magsuportahan kami. Sa kabila nito ay sampung anak naman ang nagpaligaya sa buhay namin.

Limang taon na kaming kasal nang magsimulang maggibaan ng mga bahay sa Corazon de Jesus. Nakikitira lang kami noon sa bahay ng kapatid ni Dionisio na sa ibang lugar naman nakatira.

Noong mga panahon na ito ay uso ang mga nagbibigay ng tulong—o mas mainam na sabihing limos—sa komunidad. Isang araw ay may dumating na taga City Hall na nagpapapirma ng kung anong papel. Sa pag-aakalang may ibibigay na tulong ay nakipirma na rin ako. Kinabukasan, bumalik yung mga nagpapirma at notice of demolition na pala ang dala. Naku, e di galit na galit sa akin ang asawa ko.

Wala na rin kaming nagawa kaya kahit ayaw man naming umalis ay narelocate kami sa Dasmariñas. Ang hirap ng buhay dun, walang kuryente’t tubig tapos wala ka pang pagkukuhanan ng ikabubuhay. Hindi naman makapag maneho ng jeep si Dionisio dun. Hindi pa kami nagtatagal ng isang linggo sa relocation site ay bumalik kami sa Corazon de Jesus.

Sa tagal-tagal naming nakatira sa Corazon de Jesus, parang hindi matigil yung isyu ng demolisyon. Parang gusto talagang ubusin ng City Hall ang mga bahay dun. Hindi rin naman nila maubos-ubos ang mga bahay dun kasi balik nang balik ang mga tao galing sa mga relocation site. Sino ba naman ang hindi aalis sa mga relocation site e ang hirap-hirap ng buhay dun. Kung sa Corazon de Jesus ay kahit papaano ay nakakaraos kami sa araw-araw na pangangailangan at nakakapasok sa paaralan yung mga bata, e doon? Ay naku, hindi lang magiging mangmang ang mga anak namin dahil hindi makapag-aral, mamamatay pa kami sa gutom.

Napag isip-isip ko rin na walang mangyayari kung laging ganito kami. Papaalisin, tapos babalik, papaalisin at gigibain ang bahay tapos babalik din. Nakakapagod yung ganyan. Dapat siguro kahit papaano ay may gawin ako kaya kinausap ko yung kapit-bahay kong si Anthony.

“Anthony, ang hirap na nang ganitong kalagayan dito sa Corazon de Jesus, dapat siguro may gawin na tayong hakbang para hindi na lang tayo laging pinapaalis,” anya ko kay Anthony nang minsang pumunta ako sa bahay nila.

“Oo nga e, maliban sa atin na may mga sariling bahay, kawawa rin yung mga nakikitira lang at nagrerenta ng bahay. Binibigyan lang sila ng pitong libo tapos yun na yun,” pailing-iling na sabi ni Anthony.

“Kailangan magkaroon ng samahan dito,” sabi ko.

“E, paano yun?” tanong niya.

“Basta may hinahanap akong tao, hayaan mo ‘pag makita ko ipapakilala ko sa ‘yo.”

Ilang araw pa lang ang nakakalipas mula nung magkausap kami ni Anthony nang magkagibaan sa ilang parte ng komunidad. Yung mga nagibaan ng bahay ay nandun lang sa plaza pati mga gamit nila. Nakita ko doon si Ron. Nakasama ko siya sa isang pagkakataon nang nagtangkang magtayo ng asosasyon sa Corazon de Jesus tungkol sa pailaw. Nabuhayan ako ng loob kaya agad-agad ko siyang nilapitan.

“Ron, gusto ko sanang makipagtulungan para magtayo ng samahan dito para mapigilan ang demolisyon,” sabi ko sa kanya.

“Hmmm, pwede naman yun. Ang tanong, willing ba ang mga tao na magtayo ng samahan?” tanong ni Ron.

Natigilan ako sa sinabi niya. Sinabi ko na lang, “yung mga Cebuano nakausap ko, sabi nila karamihan naman daw sa kanila gustong tutulan yung demolisyon.”

Napaisip din siya ng mga sandaling iyon.

“Tara punta tayo sa baba, may ipapakausap ako sa’yo,” dagdag ko.

Nung gabing din yun ay nagkausap-usap kaming tatlo nila Anthony at Ron. Simula noon ay madalas na kaming nagbabahay-bahay at nagpapaliwanag sa mga tao at hinihikayat silang dumalo sa mga pulong, hanggang sa muli naming naitatag ang samahan sa Corazon de Jesus.

Hindi naman tumututol si Dionisio sa mga ginagawa ko, sa katunayan ay nakikinig pa nga siya sa mga pulong at tumutulong-tulong sa kung ano man ang maaari niyang gawin. Pati yung mga anak namin ay tumutulong din.

Para bang likas na sa aming mag-asawa na basta para sa ikabubuti ng pamilya at komunidad namin ay nagkakaintindihan, nagtutulungan at nagsusuportahan kami. Hindi pa kami nag-away nang dahil sa pagsuporta namin sa samahan. Minsan nga lang ay napupuna niya ako kung hindi ako makagampan ng gawain ng samahan katulad ng pagdalo sa pulong.

Isang gabi, naghahanda ako ng pagkain nang dumating ang asawa ko galing sa pulong ng samahan. “Bakit hindi ka dumalo sa pulong? Alam mo namang laging mahalaga ang mga pinag-uusapan sa mga pulong,” sabi niya sa medyo mahinahon ngunit mahigpit na tono ng boses.

“Alam mo namang pag ganitong oras ay kailangan ko nang maghanda ng pagkain para sa mga bata. Kelangan makakain ang mga yun nang maaga nang makapagpahinga kasi may klase pa bukas,” sagot ko.

“E ‘di sana mas maaga kang nagluto para wala ka nang dahilan na hindi makadalo ng pulong,” sabi na lang niya.

Hindi ako naniniwala sa masasayang wakas katulad ng mga kwento sa pelikula, pero siguro kung tunay na mahal mo talaga ang isang tao ay kahit anong mangyari ay magkakaintindihan talaga kayo at tatanggapin ninyo ang isa’t isa nang buong-buo. Walang pag-aalinlangan mong susuportahan ang kahit na anong gagawin ng inyong kapareha basta’t para sa ikabubuti ng inyong pamilya, sa hirap at ginhawa, sa pighati at kasiyahan man.

Mahigit tatlumpong taon na kaming mag-asawa ni Dionisio. Ganoon katagal na rin kaming nakatira sa Corazon de Jesus pero ganoon na rin katagal ang araw-araw na banta na maaaring gibain ang bahay namin. Pero kung gaano katatag ang pagsasama’t pagmamahalan naming mag-asawa, ganoon din katatag ang aming paninindigan para ipaglaban ang aming tahanan at ang buong komunidad ng Corazon de Jesus.

Advertisements

3 thoughts on “Corazon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s