ALLOWANCE

Tahimik lang akong nakaupo sa passenger’s seat at nakatanaw sa labas habang binabaybay ng owner-type jeep na minamaneho ni Tatay ang daan pabalik sa bahay ng kapatid niya.

“Huwag mo nang pagsasalitaan ng ganoon ulit si Karen,” sabi ng tatay ko habang nakatuon lang ang mata sa daan at abala sa pagmamaneho.

“E totoo naman ah, hindi naman kayo magkakaanak kung hindi pokpok yang babaeng yan di ba?!” pabalang ko na sagot.

Biglang hinto ng sasakyan at halos napasubsob pa ako sa windshield. Nasa harap na pala kami ng bahay ng tito ko.

“Ayusin mo yang bibig mo ha. Kapag mag gaganyan ka pa ‘wag na ‘wag mo na akong kakausapin!” sabi niya habang nakaharap pa hintuturo niya sa akin.

“E di hindi!” sigaw ko sabay baba ng sasakyan at takbo-lakad papasok ng bahay.

Dumiretso ako sa roof top at dun na nag-iiyak. Maya-maya narinig ko yung owner na umandar at umalis. Pinahid ko luha at uhog ko at bumaba na rin.

Halos anim na taon nang nagsasama ang tatay ko at si Karen. Mula noong namatay ang nanay ko apat na taon na ang nakakaraan, walang hiya-hiya na nilang ipinangalandakan ang relasyon at anak nila sa mga kamag-anak namin at mga kaibigan nila lalo tuwing umuuwi sila rito sa maliit naming bayan.

Pagbaba ko sinilip silip ko muna kung andun pa si Tatay. Wala na. Si Kuya Franz lang ang nandun, nanonood ng TV.

“Kuya Franz uwi na ako sa boarding house ha,” paalam ko sa kanya.

“Ok sige, ingat ka, hindi mo na hintayin si Tito?” tanong niya.

“Hindi na.”

Kinabukasan, nalaman ko mula sa pinsan ko na schoolmate ko rin sa high school na umalis na si Tatay pabalik tinitirahan nila sa isang lungsod. P500 lang ang binigay niyang allowance sa ‘kin para sa buwan na ‘to at dapat ay magpapadala pa siya. Pero determinado akong hindi siya itext, sabi naman niya ‘wag siya kakausapin. Bahala na makipag tikisan sa kanya.

Tatlong linggo na ang nakakalipas mula nang mag-away kami ni Tatay, paubos na ang pera ko. Paubos na shampoo ko kaya every other day na lang ako kung mag shampoo, kailangang magtipid, ubos na rin suplay kong bigas sa boarding house. Kung dati ay lagi akong sumasakay ng pedicab tuwing papasok, ngayon naglalakad na lang ako galing sa boarding house, mga 30 minuto lang naman ang lakad kaya pwede na rin, kailangan lang magising ng mas maaga para hindi ma-late sa klase.

Nang nasa paaralan na, dinukot ko ang laman ng bulsa ng palda ko, papel na halagang P20 na lang ang nandun, eto na lang natitira sa allowance ko. Maya’t maya’y kinakapa ko kung andun pa, mahirap na, baka mawala pa.

Tumambay muna ako sa canteen habang hinihintay ang sunod na klase namin sa umaga. Habang nakaupo lang sa sira-sirang bangko sa canteen, at habang naghaharutan ang mga kaklase ko, tinititigan ko lang yung isang platito ng gabundok na pancit. Wala akong ibang marinig kundi kalam ng sikmura ko. Gutom na gutom na ako, hindi pa ako nag-aalmusal.

“Manang Joyce pabili po ng isang pancit,” sabi ko sa tindera ng canteen. Isip-isip ko habang nilalantakan yung pancit, agahan, tanghalian at hapunan ko na ‘to.

Pagkatapos ng klase sa hapon, nagdesisyon na akong pumunta muna sa bayan. Sakto, may P10 pa ako, pamasahe sa tricycle.

Dumiretso ako sa isang folk bar na pagmamay-ari ng pinsan ni Tatay. Ilang beses na rin akong nakapunta roon, madalas ay may mga kasamang kaibigan.

Hinanap ko si Auntie Yolly sa isang mukhang waiter na naglilinis ng mga lamesa. Silang mag-asawa ang may-ari ng bar, musikero kasi ang asawa niya.

Habang naghihintay sa isang kubo sa labas ng bar, tinitingnan ko lang yung buong lugar at iniisip kung ano ang sasabihin kay Auntie. Tinitigan ko lang ng matagal ang stage kung saan tumutugtog ang iba’t ibang musikero tuwing gabi, naisip ko, pangarap ko ring makatugtog sa stage na ‘yan. Pula ang background nito. May malaking mukha naman ng silhouette ni Che Guevarra, isang kilalang rebolusyonaryo ng Cuba, sa  sa gitna, yung ilalim naman ay mga silhouette din ng mga tao na nakataas kamao, may mga hawak na flag at gitara. Ilang oras pa bago magbukas ang bar pero naka set-up na ang mga gamit sa stage: keyboards, drum set, microphone, gitara at iba pang instrumento. Sa mga poste sa loob ay may mga naka frame na litrato ni Bob Marley, Eagles, Beatles, at iba pa na hindi ko na maaninag. Nakalagay naman sa dingding sa may bar ang presyo ng mga inumin nila.

Simple lang ang lugar, may ilang lamesa sa loob at dalawang bahay kubo sa labas na nasa compound pa naman ng bar. Eto yung mga tipo ng lugar na pinupuntahan ng mga kabataan tuwing gabi para mag-inuman dahil bukod sa mura ang inumin kumpara sa ibang lugar, maganda pa ang musika.

“O anak, napadalaw ka,” basag ni Auntie Yolly sa pagmumuni-muni ko. Umupo siya sa harap ko. Maliit na babae lang siya, makapal ang salamin at malumanay kung magsalita. Malayong pinsan na siya ng tatay ko pero malapit ang mga pamilya namin, alam nila ang mga nangyari sa pamilya namin nitong mga nakaraang taon kaya na rin siguro sa kanya ko naisip na lumapit dahil alam kong maiintindihan niya ang kalagayan ko.

“Auntie, pwede ba akong magtrabaho muna rito, kahit waitress o cashier lang. Hindi na kasi siya nagpapadala e,” nahihiya kong sagot.

“Bakit? Ano bang nangyari?” pag-uusisa niya.

Kinuwento ko sa kaniya ang pinag-awayan namin, kung paano ko tinitikis si Tatay ng ilang linggo na at kung gaano kagipit na ako kaya wala na akong ibang maisip na lapitan. Habang nagkukwento ay nagpipigil akong umiyak, ayokong magmukhang kawawa kahit nilalamon na ako ng hiya.

“Kaya ayun, naisip ko na magtrabaho na lang ako rito pagkatapos ng klase para may panggastos ako, ayoko na humingi ng pera dun,” pagtatapos ko sa kwento.

“Ganito na lang langga, mahirap naman na magtrabaho ka rito tuwing gabi kasi may klase ka sa umaga, paano na pag-aaral mo? Mapupuyat ka lang. Bibigyan na lang kita ng allowance kada linggo para makapag concentrate ka sa pag-aaral mo,” sabi niya sabay abot ng limang daan na buo. “Next week balik ka rito pag ubos na ang allowance mo. ‘Wag ka na mag-isip magtrabaho rito, masisira lang ang buhay mo.”

“Talaga po? E ang laki naman po nito?”

“Sakto lang ‘yan, ganiyan din naman ang allowance ng mga anak ko,” sabi niya. “O sige, uwi na, mag-aral ka na,” pagtataboy pa niya sa akin.

Habang pauwi, naisip ko, ang swerte ko pa rin pala may mga kamag-anak pa akong pwedeng malapitan kaya kahit makipagtikisan ako kay Tatay ay okay lang, bahala siya sa buhay niya. Buti na lang at hindi ko kailangan magbayad sa boarding house kasi pinatira lang ako doon ng kaibigan ni Tatay, bawas problema rin yun.

Mahigit isang linggo na mula nang lumapit ako kay Auntie Yolly pero hindi pa ako bumabalik. Nakakahiya e, di pa naman ubos yung binigay niya, saka na lang ako babalik kapag walang wala na talaga ako.

Habang nasa boarding house lang ako, gumagawa ng assignment, tumunog ang cellphone ko.

1 message received

Langga, nagdposit ako ng 2K sa atm mo.

Sender:

Tatay

Sinagot ko:

Ok, tnx.

Agad-agad akong nagbihis at umalis ng boarding house para pumuntang bayan para mag withdraw. Hindi na ako bumalik sa folk bar. ###

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s