Teatro, Buhay, Bahay

Sinulat para sa Pinaglabanan: Mga Kuwento, Aral at Hinaharap ng Pakikibaka (2012)

Mahilig ako sa showbiz. Bata pa lamang ay nakahiligan ko nang subaybayan ang mga paborito kong aktres at aktor katulad ni Nora Aunor at Tirso Cruz. Ginagawa ko ang mga proyekto o assignment ng mga kaklase ko noon kaya ang binibigay nilang kapalit ay nililibre ako ng meryenda o pananghalian kaya natitipid ko ang binibigay na baon sa akin. Yung natitipid kong baon, pinapambili ko ng poster, magasin at kung anu-ano pa na may mukha ng mga paborito kong artista.

Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon, sumali ako sa PETA (Philippine Educational Theatre Association) para makasali sa mga dula ng grupo. Madami rin akong nasalihang dula; dula tungkol sa mga Igorot, yung Jesus Christ Superstar, pambatang dula at kung anu-ano pa na hindi ko na matandaan dahil sa dami. Hindi man ako naging bida kahit kalian sa kahit anong dula ay nabibigyan naman kami ng mga linya at nahasa rin naman kami sa pag-arte.

At dahil nga gustong-gusto kong umarte, umeekstra rin ako sa mga pelikula nina Nora Aunor, Gilda Coronel at Lupita Concio.

Hindi naman malaki ang kinikita ko sa pagteatro at paekstra-ekstra sa pelikula, pero kahit papaano ay nairaraos ko ang pang araw-araw na pangangailangan ko.

Tatlong taon na ako noon sa PETA at kung saan-saang lugar na ako nakakarating para sumama sa mga dulaan nang nakapag-asawa ako. Simula noon ay hindi na ako naging aktibo sa pag teatro at pag ekstra dahil sa buhay pamilya. Hindi ko lang alam kung hanggang saan ang inabot ko sa pag teatro kung hindi ako nag-asawa nang maaga.

Pero nalaman ko na ang tunay na drama ay wala pala sa teatro o pelikula. Mas madrama pa pala ang buhay ko kaysa sa mga pelikula nina Nora Aunor at Tirso Cruz. Halos kalakhan ng buhay ko ay ginugol ko sa pakikipaglaban para sa lupa na kinatitirikan ng bahay namin.

Sa Corazon de Jesus na ako namulat at lumaki. Kinalakhan ko na na ang tatay ko, na opisyal noon ng barangay, ay ipinaglalaban ang lupa ng Corazon de Jesus. Naalala ko sinabi sa akin ng tatay ko na masamang tao yan si Erap, mayor pa siya ng panahon na ‘yun. Dahil bata pa, hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin.

Nasa high school ako noon nung napalayas kami sa Corazon de Jesus. Itatayo na raw kasi noon ang Annex Building ng San Juan High School. Wala kaming nagawa kaya napilitan kaming magparelocate sa Madrigal na matatagpuan din sa San Juan. Halos dalawampung taon kami dun at inakalang magkakaroon na kami ng seguridad sa paninirahan doon.

Ilang taon na kaming nakatira sa Madrigal at meron na rin akong sariling pamilya nang umusbong na naman ang isyu na papaalisin kami doon dahil nga raw naipamigay na ang lupa sa mga Estrada. Isa ako sa mga tumulong upang magtayo ng bagong samahan sa Madrigal. Meron nang samahan doon dati pero nakita ko na may mali sa mga ginagawa nila at hindi naman nila tunay na isinusulong ang karapatan ng mga maralita sa lugar namin. Hinamon ko yung isang samahan na patunayan ang integridad nila. Sa kalaunan naman ay hindi na rin sila pinaniwalaan ng mga tao.

Nakipagsabayan kami sa legal na proseso. May nakuha kaming abugado at nagkaroon kami ng kaunting pag-asa dahil na rin sa pag-aaral na ginawa niya sa kaso ng lupa sa Madrigal. Sa kasamaang palad ay namatay ay ang abugadong tumutulong sa amin. Huli na nang malaman naming na malakas talaga ang kaso namin at sinabi niyang ‘wag namin bitiwan ang laban. Hindi ito sinabi sa amin ng nahalal naming presidente ng samahan. Weak din siya kaya hindi pa nagtatagal mula nang mamatay ang abugado namin, natalo na kami.

Sa isang hearing ng kaso ng lupa sa Madrigal, hindi namin namalayan na inatras pala ng abugado ang kaso sa araw na yun. Paglabas ng korte ay nakaakbay na ang enhinyero ng munisipyo sa presidente namin at nagtatawanan pa. Pagkakita ko sa kanila ay nanikipa ang dibdib ko at dahan-dahang tumulo ang mga luha ko. Tapos na ang lahat.

Noong mapatalsik si Erap sa pwesto bilang presidente, hindi na kami nag-atubili na bumalik sa Corazon de Jesus sa pag-aakala na dahil wala na sila sa pwesto ay makakapamuhay na kami nang matahimik. Nagkamali pala ako.

Nagtayo kami ng bahay malapit sa dambana ng Pinaglabanan pero hindi nagtagal ay pinaalis din kami. May kinasuhan pa nga kaming pulis dahil nung itinatayo pa lang namin ang mga bahay namin. Gusto kasi nung pulis na makisingit sa pagtatayo ng bahay, hindi ako pumayag kasi hindi naman talaga siya taga dun. Isang gabi nung malasing daw ay nagpatulong sa mga kaibigan niya at nag-ala demolition team siya. Siyempre walang nangyari sa isinampa naming kaso.

Hindi rin naman naming maasahan ang lokal na gobyerno upang tulungan kami. Meron pa ngang isang pagkakataon na humihingi kami ng tulong kela Erap pero ang sinabi lang niya, “Hindi lang naman kayo ang taga San Juan a, tuloy pa rin ang operation ng City Hall kahit wala kayo.”

Nang makalipat naman kami sa ibang parte ng Corazon de Jesus ay eto na naman, balak na naman kaming palayasin para bigyang daan ang pinapatayong City Hall ng San Juan. Hindi matapos-tapos ang pagpapalayas sa amin.

Ngayon ay naiintindihan ko na ang ibig sabihin ng tatay ko kung bakit sinasabi niyang masama ang mga Estrada.

Halos buong buhay ko ay ginugol ko na sa pakikipaglaban para magkaroon kami ng seguridad sa paninirahan. Wala na sigurong makakapigil sa pagkilos at pakikiisa ko sa aking mga kapitbahay upang ipaglaban ang aming komunidad. Wala na akong ibang hinahangad kundi ang pagkakaisa ng mga Corazon de Jesus upang makamit ang katuparan ng aming ipinaglalaban. ###

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s